WIKANG FILIPINO, PAGYAMANIN!
Lakandupil C. Garcia Ed.D
(Lektyur
na iniharap sa Kagawaran ng mga Wika, Kolehiyo ng Malayang
Sining, Pamantasang De La Salle - Dasmariñas, kaugnay
sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2003)
Bago sumikat ang Meteor Garden, may isang awit ang aking
lolo na hanggang ngayon ay nais ko pa ring naririning
kapag sumasapit ang gabi… ang awiting "Bulalakaw."
Nagsimula ang awit sa ganito, "Bulalakaw, hayun!
… bigla ring nawala. Ayaw ko nga ng ganyang paglingap.
Pag-ibig na balatkayo'y bumabagsak! Mga kasama at mga
kabataan, itinuturing ko kasing tulad ng isang bulalakaw
ang talakayan sa wika. Biglang kislap na waring luha mula
sa langit kapag ganitong buwan ng Agosto, ngunit kay daling
maparam sa dilim ng langit matapos magsabog ng pag-asa.
Ayaw ko sanang maging sentimental, ngunit ganyan wari
ang maselang pagtalakay sa paksang pagpapapayaman sa wikang
Filipino. Alam ninuman na dumaan sa maraming pagsubok
at balakid ang wika mula pa sa taong 1935 nang ang Tagalog
ang maging batayan nito. Ngunit ano ang naging bunag?
Mula noon hanggang nagyon, inaakala pa rin, lalo na ng
mga nasa rehiyong Tagalog na ito ang ating wikang pambansa.
Sa loob ng labinlimang minuto, kailangan kong patunayan
na hindi Tagalog kundi Filipino ang ating wikang pambansa
at sa maikling panahon ding ito, dapat kong mapatunayan
na sa kabila ng kanyang kayamanan, ay kailangan pang pagyamanin
para sa lalo pang ikasusulong ng ating bansa.
Ang sinumang magsabi na "mahirap mag-Tagalog ay nagsasabi
ng totoo. Ito nga ang pangunahing dahilan kung bakit hindi
ito maaaring wikang pambansa. Walang sinuman sa harap
ko ngayon ang maaaring magsalin sa Tagalog ng mga bagay
na ating hiram sa ibang kultura, tulad ng snow, computer,
o kaya'y maging ang ating mga underwear. Ito ay sa dahilang
imposibleng magkaroon ng isang salitang panumbas kung
wla nito sa kultura. Gayunman, malulunasan lamang ito
ng isang mabisang pambansa.
Taong 1959 nang ideklarang Pilipino ang tawag sa ating
wika. Sa puntong ito mga kaibigan, nais kong ibahagi sa
inyo sa pamamagitan ng isang formula ang pagkakaiba ng
Tagalog sa Pilipino. Narito ang sarili kong formula:
P
= (T + WK + WD) N
Kitang-kita
na ang Tagalog ay isang maliit na bahagi lamang ng Pilipino.
Hindi Tagalog ang mga salitang gurang, manong at dyutay,
at lalong hindi Tagalog ang sapatos, radyo at spaghetti.
Ngunit ang mga itoy' normal nang sinasalita at kasama
na sa leksikong Pilipino.
Nagpatuloy ang pagyaman ng ating wika ng kilalanin ito
ng Konstitusyon ng 1973 at tiniyak ng 1987 na tawaging
Filipino. Upang makita sa isang iglap ang pagkakaiba nito,
pansinin ang naging formula:
P
= {(T + WK + WD) N} I
Sa formulang ito, kitang-kita ang pagkakaiba sa pamamagitan
ng letrang I na nagangahulugang INTELEKTWALISASYON! Intelektwalisado
ang wika kung kaya nitong pasukin ang mga larangan tulad
ng sayans at teknoloji, matematiks, batas at iab pa. Naisakatuparan
ito sa dalawang panahon. Una, noong dekada 80 nang maging
28 letra sa ating ortografi at gawin itong pa-Ingles.
Lalo itong napalapit sa wikang global (Ingles) nang mula
sa 8 letrang hiram ay kinilalaang pagkakaroon ng fonemi
istatus ng mga letrang FJV at Z. Mula 2001, ang mga letrang
ito ay malaya nang magagamit maging sa mga karaniwang
salitang hiram kung ang tunog (fonim) ay nagmula sa alinamn
sa 4 na letrang ito.
Samakatuwid, dahil sa ganitong revisyon at modifikasyon,
ang wikang dating nakasentro lamang sa Tagalog ay yumaman,
nagkapakpak at nakipagsabayan sa iba pang wika sa Asya
at maging sa iba pang panig ng mundo.
Alisin na natin ang maling konsepto sa kailangan nating
mag-Tagalog at kung kaming mga titser ng Filipino ay gumagamit
ng wikang Filipino ay pinararatangan pang nagta-Taglish.
Isang kabaliwan sa ngayon ang ganito pang magsalita:
"Mahal
kong ina, saglit po akong hihimlay sa ating silid-tulugan
upang sa takdang ika-4 ng hapon ay pukawin nyo sa aking
pagkakahimbing upang makadulog naman sa ating hapag-kainan
para makapagpanibagong lakas sa isang magdamagang pagsusunog
ng kilay."
Ang
modernong Filipino ay kumikilala sa katotohanang "buhay"
ang wika, at pagkat buhay, patuloy itong nagbabago. Upang
higit na maging intelektwalisado, kailangan naman ng ganap
na istandardisasyon. Ngunit ang huling prosesong ito ay
nangangailangan pa ng mahabang panahon. Ganito ang nangyari
sa Ingles, hindi naging magdamagan lamang ang pagiging
istandardisado nito. Hanggang ngayon, patuloy itong nanghihiram.
Hindi nito binago ang mga salitang bouquet at reservoir
(Franses), lasagna at spaghetti (Italyan), kimono at tempura
(Hapones). At nalalaman ba ninyo na maging sa Tagalog
ay ay humihiram din ang Ingles? Pansinin ang mga salitang
boondocks at abaca na maluwag nang nakapasok sa kanilang
diksyunari.
Sa kasalukuyan, maluwag nating tinatanggap ang mga varyant
upang sa pagdaan ng panahon ay makapamili ang mga Pilipino
ng preferens sa paggamit. Halimabawa, sa ngayon ay may
mga batayan na ang ating wika. Kung nais nating isalin
sa Filipino ang isang terminong Ingles, maaari na itong
isalin sa 3 man lang na paraan: batay sa Tgalog, sa Espanyol
at sa Ingles. Pansinin ang mga sumusunod:
textbook
batayang-aklat basehang libro teksbuk
classroom silid-aralan kwartong-aralan klasrum
teacher guro maestro titser
grammar balarila gramatika gramar
Maging sa Ingles naman ay gayundin, hindi problema kung
center o centre, color o colour, enroll o enrol, acknowledgment
o acknowledgement, encyclopedia o encyclopaedia. Ang mahalaga
ay maging konsistent sa paggamit at malalaman din naman
sa bandang huli kung alin ang magiging "archaic"
o ituturing na siinauna.
Mga kababayan, hayaan nating umunlad ang wikang Filipino
nang tulad ng isangh kabataan. Huwag nating sikilin at
baka maghimagsik. Huwag naman nating labis na palayain
pagkat baka naman lumayaw. Sa ayaw at sa gusto natin,
yayaman at yayaman ang ating wika. Ang tanging sagwil
lamang ay ang mga taong gumagamit na patuloy na hindi
matanggap ang mga pagbabago. Intelektwaklisado na ang
wikang Filpino. Ginamit na ito sa panahon ng "impeachement",
ginamit na ito sa mga nabigo at nagtagumpay na mga kudeta,
nagpabagsak na ito at nagpaluklok sa di-iilang pangulo
ng bansa. At ngayon, ilang telenovela nang Mexicano ang
naluklok sa pedestal nang katanyagan dahil sa pagkakasalin
sa Filipino, kailangan ko pa bang sabihin ang kasalukuyang
kinahuhumalingang mga teleseryeng Intsik na nang dahil
sa wikang Filipino ay waring na-champoy na at naging siomaiang
maraming Pilipino? Sino sa ngayo ay hindi kilala sina
Petsay (San Chai), Galing Zoo (Dao Ming Zi), at Wa ka
Sey (Wah Zhe Lei)? May duda pa ba sa bisa ng sariling
wika? Bakit kung kailan matatag at payapa ang bansa ay
saka ipagpipilitan ang paggamit ng Ingles, gayong kapag
nasa krisis, Filipino ang siyang gamit? Walang Pilipinong
nais na limutin ang Ingles, ang dapat pa nga ay sabay
itong umunlad ng Filipino. Ngunit dapat bang sisihin ang
sariling wika para lamang maging matatas sa Ingles? Walang
bansang umunlad na hindi gumamit ng sariling wika! Sa
bibig ng namayapang si Ghandi, sinabi niya na kaya patuloy
na nagdarahop ang kanyang bansa ay dahil sa pagkahumaling
ng mga maraming taga-India na maging bihasa muna sa ibang
wikakaysa sa sarili nilang wika, hindi ba't ganyan din
tayo?hindi masamang matuto ng Ingles, pagkat iyan ang
nararapat talaga. Ang masama ay ang labis na pagkahumaling
dito na waring wala nang silbi ang wikang Filipino na
humahantong sa diskriminasyong ang matatalino lamang ang
marunong mag-Ingles.
Inuulit ko, intelektwalisado na ang wikang Filipino, ang
mga Pilipino na lamang yata ang hindi intelektwalisado.