ESTILO: PAGSUSURI AT PAG-UNAWA*
ni Efren R. Abueg, Ph.D.
Sa retorika, lalo na sa malikhaing pagsulat,
problema palagi ang pagkilala ng estilo. Karaniwang kinaklase
ang estilo sa ganito: klasikal (dahil ba matagal nang
kilala?), konserbatibo (dahil ba sa antigo ang ginamit
na wika?), moderno (dahil ba sa bumabanggit ng mga bagay
na kanluranin?) o radikal (dahil ba marahas ang himig
ng pagkakasulat ng akda?).
Dalawang bagay ang importante nating sagutin.
Una, saan bang mga elemento ng mga anyo
ng diskor (paglalahad/pagsasalaysay) makikilala ang estilo
ng manunulat?
Ikalawa, papaano ba nagiging sangkap sa isang akda ang
isang katangi-tanging estilo?
Ganito ang karaniwang depenisyon ng estilo:
ang klase ng lengguwahe ng awtor/tagapagsalaysay at kung
paano niya ginamit itosa kanyang akda. Kung gayon,
a) Simple, komplex, tambalan o langkapan
ang kanyang pananalita sa kanyang akda?
b) Ano ba ang himig ng pagkakasulat niya ng akda: mabagal
ba, rumaragasa o payapang dumadaloy ang kanyang pagsasalaysay?
Formal ba, informal, kolokyal, bulgar ba ang kanyang pagsasalaysay/paglalahad?
Kapag nasagot na ang mga ganyang tanong,
mapag-uusapan na ang 1) diksyon (pagpili ng uri ng salita,
2) sintaks (kumbinasyon ng mga salita sa isang pangungusap),
3) ritmo, indayog, aliw-iw (mga huni at himig na pumupukaw
sa mga pandama) at 5) dayalo (palitan ng diskors ng dalawang
nag-uusap).
Tandaang ang lahat nang ito ay may relasyon
sa proseso ng pagkakabuo ng isang akda. At sa prosesong
iyan makikita ang estilo.
DIKSYON
Sa diksyon makikilala ang dalawang tipo
ng mga kahulugan ng salita: ang (a) denotasyon at ang
(b) konotasyon.
Magbigay tayo ng mga halimbawa:
Taga-probinsya pala ang bisita nila.
Promdi pala ang bisita nila.
Sa una, obhetibo, walang kulay ang pagkakagamit
ng taga-probinsya kaya denotasyon ito.
Sa ikalawa, may malisay, derogatori ang
pagkakasabi ng promdi kaya konotasyon naman ito.
Ang denotasyon ay salitang ginagamit
na pantukoy lamang sa isang bagay, samantalang ang konotasyon
ay ang kahalagahan ng isang salita. Ang gamit ng mga salita,
kung gayon ay dapat na tamang-tama, angkop na angkop,
tiyak hangga’t maaari,at mapaglarawan (makahulugan
o matalinghaga) at hindi pa gasgas. Dapat makilala nang
ganito ang salita at ang tinutukoy nito (referent)
aso (salita/simbolo lamang) aso (referent)
Bahagi rin ng diksyon ang mga level ng
gamit ng mga salita – formal, informal at kolokyal.
Ito’y mga paraan ng pagsasalita/pagsulat ng mga
natuto ng istandard na wika, kahit paminsan-minsang gumagamit
ng slang at mga salitang bulgar na ipinalalagay ng lipunan
na , di wasto at mababa sa istandard na wika. Dalawa rin
ang level ng pagsasalita ng tao.
Halimbawa ng formal na gamit ng wika:
Ang daigdig na nilikha na masalimuot na
isipan ay hindi tumuturol sa isang pamilyar na daigdig
sa labas ng kuwento (kontexto). Totoong ang mga kasabihang
isinangkap sa akda ay nagmula sa praktikal na karanasan
sa bukid subalit malinaw din na ang imahen at larawang
taglay ng akda ay nagbigay na ng unibersal na implikasyon
–ito ang mga kasabihang magagamit sa maraming okasyon.
- Soledad S. Reyes,Introduksyon sa Ang
Ginto
sa Makiling at Ibang mga Kuwentoni Macario Pineda.
Ateneo de Manila UniversityPress (1990)
Pansinin ang seryosong tono ng mga pananalita,
ang mahabang pangungusap na ingat na ingat at pinag-aralan
nang likhain, ang pararelismo ng “daigdig”
sa dalawang level at ang pag-obserba sa mga tuntunin ng
gramatika.
Subukin naman nating gawing informal
ang talatang nasa itaas:
Iba naman sa pamilyar na daigdig sa totoong
buhay ang daigdig sa kwento. Kahit ang mga kasabihang
isinasama sa akda ay pambukid, nagagamit din iyon sa maraming
okasyon.
Kahit seryoso, mahahaba at may awtoridad
sa pagsasalita ang simula, ginamitan naman ito ng mga
idyoma: totoong buhay at pambukid.
Tingnan ang slang sa mga linya ni Edgardo
Reyes:
S’werte mo. Mga `sanlinggong gastos
mo na `yan. Bumili ka ng bigas. Sumama ka sa saing nina
Imo. Mas matipid `yon. Tara, tsitsa. Saka mo na laspagin
`yan.
--Sa Mga Kuko ng Liwanag, p. 19, De La
Salle University Press (1986)
Kahit bulgar ang gamit ng pananalita,
walang mali sa kayarian ng mga pangungusap, may kaisahan
ang sinasabi, tuluy-tuloy at may pagkakaugnay.
Importante rin sa diksyon ang pagiging
tiyak ng salita, hindi general. Narito ang halimbawa:
1) -- atleta – basketbol player
– La Salyano
forward – Allan Patrimonio
2) May lumang kotse si Boy. – May
1949 Oldsmobile si Boy.
Mas matindi pa rin ang dating sa pandama
ng mga salitang tiyak, tulad ng naasiman siya, amoy-kahoy
ang paligid, umabot sa kanya ang unga ng kalabaw, at makinis
ang mesa. Huwag sabihing nalasahan ko, naamoy niya, narinig
ni Botyo, nasalat ko.
Saklaw din ng diksyon ang mga makahulugan
at mapaglarawang mga salita. Sa pamamagitan ng salita,
ang isang bagay ay naihahalintulad sa ibang bagay –
isang mabisang paraan upang pukawin ang imahinasyon ng
mga mambabasa para pahalagahan ang detalye ng mga bagay
na inihahalintulad. Sa bahaging ito’y isinasangkap
ang metaphor (ang paningin niya’y mga mata ng pusa
sa dilim), simile (tulad ng ngiti ng anghel), alusyon
(mga kayumangging Amerikano), personipikasyon (umaalimpuyo
/nilagom ng agos ang maliliit na baklad sa aplaya), hayperboli
(nakabibinging katahimikan) at iba pang mga tayutay.
Kapag naging pamilyar na sa diksyon,,
marami nang masasabi ang isang nag-aaral tungkol sa estilo.
Halimbawa’y masasabi na niya ang level ng lengguwahe
ng akda o mga bahagi nito: tama o wasto, angkop, tiyak,
obhetibo (denotasyon) at may kulay o tono (konotasyon).
Sa pamamagitan din ng mga tayutay, matatalakay
kung mapaglarawan at matalinghaga ang mga salitang ginagamit
sa diskors. May batayan pa upang husgahan ang isang akda
kung sinulat ng isang master ng mga salita o ng isang
nagmamagaling, ngunit pulpol naman pala ang panulat.
SINTAKS
Kung napili na ang mga angkop na diksyon
sa isang diskors (pahayag/talakay), makikita naman ang
kontrol ng awtor sa kumbinasyon at kaayusan ng mga salita
sa pangungusap. Ito ang sintaks. Hindi lamang ang wasto,
angkop at tiyak na mga salita ang konsern dito –
pati na ang paghubog ng mga kasangkapang pangretorika
upang mabisa at masining niyang maihatid ang mensahe o
tunay niyang layunin sa kanyang diskors. Dito makikita
sa pagbabago ng posisyon ng mga salita at mga bahagi ng
pangungusap ang pag-iiba ng kahulugan at daymensyon ng
mga ito. Kaya sinasabi na ang pag-aaral ng gramar ay mahalaga
sa walang duda at masaklaw na pagkakaintindi sa isang
parirala, pangungusap, talata at isang buong akda.
Sa manipulasyon ng mga pangungusap ng
isang awtor, nagiging malinaw tuloy ang kanyang layunin
o intensyon sa pagpapahayag. Halimbawa, sa isang simpleng
pangungusap, litaw na litaw ang pagpapakilala lamang ng
isa o ilang maliliit na detalye, tulad ng:
Laging nakatutok ang mga mata ni Libay
sa orasan. Orasang nakasabit sa dingding, orasang nakapalamuti
sa kanyang bisig.
--Elena Patron, “Maaari Ba Akong
Mangarap?”, p.25
BI Publishing (1992)
Orasan lamang na simbolo ng paghihintay ang ipinakilala
rito, orasang nasa dingding at bisig. Wala nang iba.
Iba naman ang inihihiwatig ng tambalang
pangungusap. Kahit binubuo ito ng mga parirala at sugnay,
ang relasyon ng mga ito’y hindi gaanong binibigyan
ng emfasis dahil ang layunin lamang ay magdeklara o magsabi
lamang upang makalikha sa imahinasyon ng malinaw na larawan.
Eksena ito sa paglalatag ng mga kable
sa ilalim ng dagat.
Dalawampu sila, at isa-isa, hali-halili,
pagdating ng bawat takda ay lumalapit sila na gaya ng
isang panata sa walang patid na dating ng gabisig at balot-bakal
na kable. At ang bangis nito, ang tigas at bigay, ang
matutol na pag-igkas at paghampas na may dalang kapangyarihang
lumuray at magwasak sa bawat tamaan ay sinusupil nila
ng kanilang dalawang bisig at iniikid hanggang sa yao’y
maamong mailapag at mabanayad na maiayos sa ikiran na
kanilang tinatapakan.
--Cornelio S. Reyes. Dugo at Utak”,
p.181 sa Ang Maiikling Kuwentong Tagalog (1886-1948).Teodoro
Agoncillo (editor) Inang Wika Publishing
(1972)
Ituon ang pansin sa mga pangatnig na
at kung paano pinag-ugnay nito ang mga parirala ng discors.
Sa gayong paraan makikita ang layuning maglarawan o masabi
lamang at hindi magsulong ng kaisipan na susuriin.
Sumulat tayo ng halimbawa ng isa namang
paglalarawang nakapag-iisip.
Dumating silang busabos, maiilap ang mga
mata’t kumakalam ang sikmura; matatag sila, nakahanda,
iisa ang iniisip: abutin ang tayog ng mga gusaling hindi
nila batid ang bilang ng mga palapag, pasibarin ang magagarang
kotse sa walang direksyong mga lansangang kung araw ay
may umaapaw na supermarket at kung gabi’y may parang
walang katapusang ugong, kulay at liwanag.
Mahuhulaang ang mga tinutukoy dito ay
Overseas Filipino Workers. Simple lamang ang umpisa ng
paglalahad (dumating silang busabos) ngunit sa pamamagitan
ng sunud-sunod na gamit ng pang-uri (maiilap, kumakalam,
matatag) nagkaroon na ito ng dramatikong paglalahad at
nang sundan ng dalawang pandiwa (abutin, pasibarin) na
iniangkop sa mga layon nito (matatayog na gusali, magagarang
kotse) ay umabot tayo sa crescendo ng lawak at kahulugan
ng diskors tungkol sa tindi ng determinasyong yumayaman
at umunlad sa isang dayuhang lupain.
Sa kontrol ng manunulat, kung gayon makikita
ang patern ng pagpoposisyon ng mga parirala, sugnay at
mga pantulong na pangatnig at pang-angkop upang makalikha
ng mga simple at tambalang pangungusap at madulang epekto
nito at buong tiwalang mailalarawan natin ang simple at
“staccato style” ni Ernest Hemingway, ang
rumaragasang pagsasalaysay ni John Steinbeck sa mahahaba’t
komplex na istruktura ng kanyang pahayag, ang iregular,
paudlut-udlot na narativ ni William Faulkner at ang sangkap
“pambansang Iberian (Kastila)” sa maiikling
kuwento ng ating si Nick Joaquin.
RITMO, INADAYOG, ALIW-IW
Kapag pinag-usapan ang ritmo (indayog
at aliw-iw) at hunog (huni at tunog) o sound ng isang
akda, sasabihin agad na ang mga iyan ay elemento ng tula.
Babanggitin pa ang infleksyon at nyuwans. Ngunit tandaan
natin na may mga taong hindi naman tumutula at gayong
nagsasalita lamang ay sinasabihan natin ng: “nagiging
makata yata kayo”. Ito ang indikasyon na ang prosa
ay may musika rin na angkin ng tula..
Dahil ang hunog sa wika ay manipestasyon
ng kalagayan at kamalayang pang-emosyon, natural lamang
na makaapekto ito sa istilo ng diskors. Kaya sa pagbasa,
nadarama agad ang tindi, ang lambot, ang lamya ng expresyon.
Nalulungkot kayo kapag malamya ang pagsasalaysay; masigla,
nakatuon ang atensyon ninyo sa mga mariin at matinding
pahayag.
Natural lamang na ang ritmo, tunog, infleksyon,
nyuwans at iba pang kasangkapang pangmakata ay makita
sa tula. Parang wala ang mga iyon sa prosa o tuluyan.
Kung pakikinggan lamang natin ang ating mga paraan ng
pagsasalita, masasanay tayong mapagbukud-bukod ang ibat-ibang
“antas” ng musika sa ating expresyon. Masasabi
pa tuloy natin na may estilo pala tayo sa pagsasalita.
Dinggin ang ritmo ng mga linyang ito:
Maritess dear,
Sumulat din ako/ sa mga kuya mo. Iisa/
ang laman ng sulat ko/ sa inyong tatlo. Tungkol ito/ sa
naisip kong/ isang magandang paraan/ para gumanda ang
buhay/ ng mga kuya mo. Dito sa Pilipinas/ ay mas mahirap
ngayon/ ang trabaho. Ang “greener pasture”/
ay nandidiyan sa Amerika.
- Glida Olvidado, “Mapanganib Ang
Pag-ibig”, p.79
Valentine Romances (1992)
Halos hindi na napansin ang saglit na
pagtigil ng pagsasalita sa mga slash. Tig-iisang slash
sa una at huling pangungusap. Tig-dadalawang slash sa
pangalawa at pang-apat na . Sa pangatlo (gitna) lamang
pangungusap naging apat ang slash. Patag halos dito ang
ritmo.
Ano ang masasabi natin sa estilo ni Olvidado,
batay sa talata sa itaas? Dahil hindi nagkakalayo ang
kadens sa mga pangungusap na nirerepresenta ng slash,
himig-umaapila sa damdamin ang sulat, mahinay na nagsasabi
ng gusto at ikinukundisyon ang bumabasa sa susunod na
gagawin ng sumulat. Malamya ang mga linya dito.
Ikontrast ang mga linya ni Olvidado sa huling bahagi ng
isang nobela ni Rogelio Sikat:
Sa darating na araw/ pag-uusapan nila/
ang maraming bagay. Pag-uusapan nila/ ang mga tag-araw
at tag-ulan,/ mga taniman at anihan./ Pag-uusapan din
nila/ ang isang lalaking/ nagngangalang Simon. Sila’y
tatanungin/ ng kanilang anak. “Sino si Simon?”/
at kanilang itutugon,/ “Si Simon,/ anak,/ ay isang
magbubukid/ - isang di nakalimot/ na magbubukid.
- “Dugo sa Bukang-Liwayway”,
p. 120
University of the Philippines (1989)
Malaki ang pagkakaiba ng ritmong ng mga
linya ni Sikat kay Olvidado. Nagsimulang madalang ang
slash (dalawa), dumami (naging tatlo), saka naging dalawa
uli (parang bumwelo) at sa sumunod na pangungusap ay nagkarami
ang slash (naging walo) – isang paraan ng emfasis
ang ritmo upang patindihin sa kamalayan ng mambabasa ang
maalamat na bildap ng isang karakter. Ito’y kawangis
ng isang tugtuging malakas, saka humina, humintong saglit,
saka bigla, ibinuhos ang sunud-sunod, papataas na himig
ng mga nota. Papaano mo malilimot ang tauhang si Simon
sa ganitong paraan ng pagwawakas ng pagsasalaysay?
Maging ang infleksyon o pagbabago sa
tono ay may isineset-ap din sa pagsasalaysay:
Subukan natin ito:
“Hindi ka/ dapat umalis,”/
bungad ni Salazar.
“Bakit?/ May nangyari ba?”/ sagot ni Pastor.
“Wala./ Kaya lang/ dumating si Jean./ Di ba/
isang linggo mo/ na siyang hinihintay?”
Sa unang pangungusap ay patag lamang
ang tono ng pagsasalita. Mataas, magkasunod naman ang
dalawang tono sa pangalawa. Sa pangatlong pagsasalita,
ang patag na tono tulad sa unang pagsasalita ay tumaas
bahagya sa dakong kalahatian. Saka iglap, tumaas iyon,
tuluy-tuloy at nag-iwan ng matinding impresyon sa dulo
ng pagsasalita.
Hindi na nakakabagot ngayon ang tono
ng pag-uusap. Parang nanonood ka (at napapakinggan) ang
ugong ng damba ng mga alon sa dalampasigan.
May nagsasabing sa pakikinig sa pagtula, parang nakakaulinig
ka ng sutsot ng tubig, ng langitngit ng mga siit, ng kaluskos
ng mga tuyong dahon. Ito ang onomatopeya. Kung pinagsunud-sunod
mo naman ang mga salitang matalino, malakas, matapang
– nakalikha ka ng aliteresyon. Pakinggan natin ang
anonans ni Balagtas sa “Florante at Laura”:
Kaya ang ginawa’y inagapanayanan.
Katawang malatang parang bagong bangkay; (138)
Himig. Tunog. Indayog sa Tula.
Ihambing natin sa consonans ni B.S. Medina,
Jr:
“Malaki ang iginanda ng punongkahoy,
ang sabi ni Joe, napakaganda ang paglitaw ng mga bulaklak.
Kay ganda-ganda, anya, kaya iibigin mong damhin, angkinin…itanin
sa inyong puso, anya.
- Punongkahoy, p.25 sa “Gantimpala”
National Bookstore (1973)
May makintal na aliteresyon din sa mga
talata ni Liwayway Arceo:
“Nasa mga palad pa rin ni Ina ang
kaliwang kamay ni Ama: Sabihin mo, mahal ko, na maaangkin
ko na ang kaligayan ko . . .
- “Uhaw ang Tigas na Lupa,”
p. 11-12 “Mga Piling Katha”, Ateneo de Manila
University Press (1984)
At ganito naman ang onomatopeya ni Lualhati
Bautista:
“May nag-iisip ba diyan? May papalag
ba? P’wes, hulihin! Ikulong! Pag matigas ang ulo,
parusahan! Patayin! Bitayin `yang si Sakay. Hulihin si
Tolentino. Gardemet, supilin ang rebelyon!
- “Gapo”, p.87 Carmelo &
Bauerman (1988)
Kung iyan ay consonans ni Medina, Jr.
na nagpapahiwatig ng matinding pagkasabik o ng aliteresyon
ni Arceo na naglalarawan ng pagluwag ng kalooban ng tauhan
pagkaraan ng matagal na pagdurusa o ng onomatopeya ni
Bautista na nagbabadya ng maanghang na paglutas ng poot
ng protesta, ang tuluyan ay tunay na may angking mga katangiang
pampanulaan na kontrolado ng mga awtor at lumilikha ng
tunog o himig para makapagpatindi ng mga layunin ng diskors.
Sa paghuhusga sa estilo ng binasang mga akda, ihambing
ang mga katangiang ito sa panulaan. Mapapatunayang may
ibang antas ng musika ang mga paglalahad o pagsasalaysay
ng prosa.
DAYALOG
Ang dayalog ay isang paraan ng pagpapakita
ng mahusay na mga katangian ng estilo ng isang akda. Isang
tradisyon ang pagsisingit ng dayalog upang “makahinga”
ang bumabasa sa mahahabang naratib o kaya ay bigyang-
pansin ang isang paksa, karakter o sitwasyon. Ang mga
katha (kwento at nobela) noong labingwalo at labinsiyam
na siglo, maging sa ibang mga bansa at sa Pilipinas ay
may ganitong pag-aakma ng dayalog.
Sa pagdating ng ika-20 siglo, ang dayalog
ay nagtutulak na ng pag-usad ng banghay sa katha (story
development), magpalinaw kaya ng sitwasyon o sumusui sa
karakter, pangunahin man o hindi. Kilala sa ganitong praktis
si Hemingway. Kay James Joyce, at kay Virginia Woolfe,
mga nobelista pa rin, unti-unting umunlad ang “stream-of-consciousness”
sa mga dayalog na ang kausap ng karakter ay ang kanyang
sarili – palundag-lundag, walang kaayusan ang progresyon
ng istorya dahil ganoon daw, ayon sa mga saykologist ang
takbo ng kaisipan. Kailangang matalas sa organisasyon
o pagdudugtung-dugtong ng mga detalye ang mambabasa at
kung hindi, mag-aaksaya lamang siya ng panahon sa pagbasa
(halimbawa: Ulysses at Finnegan’s Wake ni James
Joyce at Tropic of Cancer ni Henry Miller).
Ngunit kinikilalang master ng dayalog
si Hemingway. Lumilitaw na hindi totoong laging ginagamit
ang kanyang mga dayalog ng mga ordinaryong tao. Inimbento
lamang niya ang mga usapang gayon. Mapagbigay lamang siya
ng emfasis sa mga sinasabi ng kanyang mga karakter o kaya’y
sa pag-uulit ng mga iyon. Ang mga implikasyon ng istorya
at pati mga kahulugan ay inilululan ni Hemingway sa kanyang
mga dayalog.
May iba namang sukat na sukat ang mga
dayalog, aral na aral kaya nagiging peke, artipisyal.
Ang mga nobelang Tagalog noong “pre-war” ang
mabubuting halimbawa nito.
Sa panahong kasalukuyan, naging totoong-totoo
sa buhay ang mga dayalog. Basahin natin si Macario Pineda.
Sinutsutan ni Pastor ang kanyang pinauunang
kalakian hanggang maagapay siya kay Naty. “Aling
Nati,” wika niyang nakatawa, “ako na ho sana
ang pagsunungin ninyo ng matong na iyan.”
Nagtawanan kami. Sinulyapan ni Nati si
Pastor. “Salamat ho,” tugon niya. “Diyan
ho lamang sa araro at kalabaw ninyo ay napuputot na kayo,
magsusunong pa kayo ng matong.”
“Nais ba ninyong matambak?”
“Bakit hindi mo aluking sunungin
ang matong ni Pilang?” wika ni Pakito. “Si
Nati ba lamang ang pinahahalagahan mo?”
- Suyuan sa Tubigan, pp. 35-36 sa Ang
25 Pinakamabuting Maikling Kathang Pilipino ng 1943 De
La Salle University Press (1992)
Napakaganda ng preparasyon ng pagtuton
ng interes sa isang karakter. Padaplis, iba ang pinupuntirya.
Kunwa’y si Nati ang pinag-uukulan ng pansin, ngunit
sa huli’y mauunawaang ang dalaga palang si Pilang
ang target.
Sa mga kakilala’t nabasang kapwa
manunulat, sa palagay ko’y master ng pinong suhestyon
o tandisang paghahayag sa mga dayalog si Edgardo M. Reyes.
Pagkaraang magbalita sa mga kamag-anak
ang pangunahing tauhan (tagapagsalaysay) tungkol sa kasal
ng kanyang kuya Selmo, sa lungsod, ganito ang naging takbo
ng dayalog sa “Lugmok na Ang Nayon”:
Umuusad na ang kariton ay naghahabol
pa sila ng mga bilin.
“Kamusta na lang sa kanila.”
“Sabihin mo sa Nanay mong dalawin naman niya kami.”
“Paabutin mo sa mga ikakasal ang pagbati namin.”
Nakangingilo ang ingit ng gulong ng kariton. Malayo na
kami. Sa tingin ko’y tila madilim na dawag na lamang
ang Sapang-Putol. Pinagmasdan ko ang laman ng kariton.
Ito’y isa nang napakalaking kayamanan ng (isang)
nagsasalat na nayon, naisip ko. At sa Sabado, iyo’y
pagpapasasaanan at sasandat sa maraming tagalunsod.
- Mula sa Mga Agos ng Disyerto (Ikatlong
Edisyon),
p.179 Solar Publishing Corporation (1993)
Pagkatunghay sa kabuuan ng siniping bahagi
ng kwento ni Reyes, maiiwan sa bibig ng bumabasa ang mapaklang
panlasa o nakaeeskandalong pakiramdam.
Mayamang hanguan ng aksyon, imahen, damdamin
at kaisipan ang mga dayalog. Ito’y makakatulong
sa pagkilatis ng estilo ng isang akda, depende sa “pagdadala”
nito sa proseso ng paglikha.