Sukdulan
ang dusang halos di-malirip
Di mawawaan ba't puno ng pasakit.
Puso at damdamin, maging pag-iisip
Gulo't tuliro, hininga'y mapapatid.
Binihag ako ng aking panimdim.
Kinulong sa rehas na karimarimarim.
Walang magawa kundi ang hintaying
Kalawit ng kamatayan, buhay ay kitlin.
Kamandag
itong luha at hinagpis.
Lason ang mga dalita at panangis.
Itong kapalarang anong sakdal lupit.
Parang sa patalim nakapangunyapit.
Nilalang
akong nalulunod sa dagat.
Sa laot ng lumbay, hindi makaangat.
Kamay at paa ko'y di maikampay,
Pilit inilulubog ang bawat himaymay.
Sadya
bang ito ang guhit ng kapalaran?
Walang pag-asang sa aki'y nakaabang.
Di masilayan pagbubukang-liwayway.
Maghihintay na lang ba hanggang mamatay?
Gawin
ko kayang sarili'y ibangon.
Abutin ang kamay ng Mahal na Poon.
Sambitin sa Kanya yaring panaghoy
Upang ako'y di tuluyang maparool.
Hindi
namalayang ako'y nakalimot.
Nakaligtaang sa Kanya'y pakupkop.
Ayokong lumayo, sa Kanya'y tumalikod.
Ako'y babangon . . . sa Diyos maninikluhod.