Vol. 19 No. 8 September 12 - 25, 2009
Ang Dalumat ng Kamalayan at Damdamin ng Nasyonalismong Pilipino

Maiuugat ang dalumat ng Nasyonalismong Pilipino sa mga simulain ng tatlong kilusang naitatag sa Pilipinas noong ika-19 na dantaon: 1. sa Kilusang Sekularisasyon ng mapaghimagsik at makabayang kapariang kinatawan ng Gomburza, 2. sa Kilusang Propaganda na hinubog ng kaisipang ilustrado, at 3. sa Katipunan na pinamunuan ng mga taal na intelektwal.

Sa mga panahong yaon, umiikot na sa sirkulo ng mga intelektwal ang paglalarawan sa sarili bilang mga “anak ng bayan,” bagamat ito ay nasa wikang Espanyol. Sa Europa, ang palasak na salita ay nacion na may diwang katumbas na katutubong salita na “bayan.” Ginamit ni Balagtas, ang katagang “bayan kong sawi” (Albanya) bilang metapora ng lupaing sinilangan.

Ang salitang “bayan” sa mga sinaunang diksyunaryo ay cognate
o kaangkan ng “bayani” at “bayanihan”. Nangangahulugan ang bayani ng isang mandirigma na hindi naghihintay ng gantimpala sa kanyang paglilingkod liban sa pagtanggap sa kanya ng pamayanan bilang marangal na tao. Naging kasingkahulugan ang pagtulong sa kapwa nang walang bayad bilang “pagbayani” o “bayanihan” sa “bayanihan,” may pagsasama-sama ang magkakapitbahay upang sa pamamagitan ng pinag-isang lakas ay kaagad matapos ang gawain tulad ng paglipat ng bahay o paglilinang ng bukirin.

Ang pagiging “sawi ng bayan” ay larawan ng isang taong nawalan ng nagmamahal. Sa matulaing kaisipan nina Marcelo del Pilar at Herminigildo Flores, nagkaroon ito ng katauhang isang dapat ay takbuhan ng kanyang mga anak.

Sa isang mahabang tulang tinatawag na duplo, binuhay nina del Pilar at Flores ang palitan ng hinaing ng ina at anak. Lumitaw sa unang pagkakataon ang salitang “Inang Bayan.” Ngunit sa duplong ito, ang “Inang Bayan” na binabanggit ay ang Espanya at ang “anak ng Bayan” ay si Filipinas. Nagsusumbong si Filipinas sa kanyang ina sa hindi magandang trato ng mga prayle sa kanya. Binigyang-buhay ni Juan Luna ang ugnayang ito ng Inang Espanya at Filipinas sa kanyang pinturang España Llevando a Filipinas en el Camino del Progreso na nagpapakita ng pag-akay ng isang malaking babae sa kanyang anak na babae paakyat sa isang mataas sa hagdan na bumubukal ang liwanag, ang sinag ng Progreso.

Ang dalumat na ito ay ipinagpatuloy ni Andres Bonifacio at iginuhit ni Juan Luna nang malaon. Sa panulaan ng Supremo, kinikilalang si Filipinas ang tunay na ina ng mga katutubong siyang mga Anak ng Bayan. Natuklasan ang pagiging huwad ng Espanya bilang ina kaya’t ang nararapat lang ay mamaalam dito at ipagtanggol ng mga anak ang dangal ng Inang Bayan. At kung mga anak ng bayan ang mga katutubo, nangangahulugang sila ay magkakapatid.

Ang “sandugo” nina Legazpi at Sikatuna noong 1565 sa obra ni Juan Luna na El Pacto de Sangre na nagbadya ng pagkakapatid ng mga Espanyol at katutubo ay pinawalambisa ng isang bagong “sanduguan” ng mga Anak ng Bayan. Ang kahalagahan ng metaporang ito ng pagkakapatid ay nagpatuloy sa buong panahon ng himagsikan tulad ng makikita sa pagbanggit nito sa Acta de la Declaracion de la Independencia ni Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong 1898.

Ipinagpatuloy ba ng kasalukuyang mga Anak ng Bayan ang dalumat na ito ng nasyonalismo at pagkakapatiran?

(Hango mula sa aklat ni Ambrosio, Dante L. et al., Kasaysayang Bayan: Sampung Aralin sa Kasaysayang Pilipino, Lungsod Quezon: ADHIKA ng Pilipinas, Inc., 2005.)

Palmo Iya
Kagawaran ng Agham Panlipunan


In publishing and graphic design, lorem ipsum is the name given to commonly used filler text to demonstrate the graphic elements of a document or visual presentation. In Newsette, lorem ipsum features diverse stories about Lasallian activities, advocacies and endeavors.

:: DLSU-D Home | :: Newsette Home | Last Updated: September 29, 2009 4:14 PM